Takot at pag-alala pa rin ang nararamdaman ngayon ng mga residente sa Davao de Oro dahil sa sunod-sunod na pagyanig sa probinsya.
Sa panayam ng RMN Davao sa isa sa mga DXDC listener na si Jason Patulumbon na taga Brgy. Cambagang, Maragusan, Davao de Oro, hindi muna sila bumalik sa kanilang bahay dahil sa takot na baka mangyari na naman ang malakas na pagyanig.
Aniya, siniguro nito ang safety ng kanyang pamilya lalo na ang kanyang special child na anak.
Samantala, gaya ng ibang residente sa Maragusan, pinili ng mga taga Nabunturan, sa nasabing probinsya na matulog sa labas ng kanilang bahay dahil sa aftershocks na patuloy na nararamdaman sa probinsya.
Sa post ng Nabunturan Facebook Page, makita ang iilang residente na nagtayo ng tent sa labas ng Tagnocon Elementary School habang iilang residente naman sa Barangay Cabacungan ang nanatili muna sa gym at purok centers.
Sa datos sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS), ibinaba nila sa Magnitude 5.9 ang unang naitalang Magnitude 6.2 na lindol na yumanig bandang alas 2 ng hapon kahapon habang Magnitude 5.6 naman mula sa Magnitude 5.9 na lindol ang naitala bandang alas 4:30 ng hapon kahapon, March 7, 2023 kung saan parehong sa New Bataan ang sentro ng mga pagyanig.
Sa ngayon, patuloy ang assessment ng mga otoridad sa pinsala at casualties sa nasabing insidente kung saan sa inisyal na report, may mga bahay na nasira at mga cracks na naitala sa iilang gusali sa Davao Region.
Dahil dito, nagsuspinde ng trabaho at klase ang probinsya ng Davao de Oro at Davao del Norte.