Mga jeepney driver na hindi bumiyahe sa nakalipas na 2 araw sa Pasig, balik na sa pamamasada ngayong araw

Kapansin-pansin na mas maraming mga jeepney na ang makikita sa mga kalsada sa lungsod ng Pasig.

 

Ito’y dahil balik-pasada na ang mga jeepney driver na lumahok sa tigil-pasada nitong nakalipas na dalawang araw.

 

Ayon sa mga tsuper na miyembro ng PISTON, susunod sila sa kumpas ng kanilang mga operator at sa mga lider ng kanilang samahan.


 

Matatandaan na nag-usap at nagkasundo na kahapon ang lider ng PISTON at Manibela sa mga kinatawan ng Malakanyang kasama si Communications Office Secretary Cheloy Garafil kaugnay sa PUV Modernization Program.

 

Maliban dito, sinabi rin ng mga tsuper na kailangan na rin nilang bumiyahe para kumita.

 

Sapat na kasi umano ang tigil-pasada na ginawa nila nitong nakalipas na dalawang araw dahil ito ay para lang naman mailabas ang kanilang hinaing.

 

Dahil sa pagbabalik-pasada ng mga driver sa Pasig, wala nang pag-iipon ng mga pasahero sa ilang lugar kung saan ay tuloy-tuloy na rin ang pagdating ng mga driver. | #DZXL558

Facebook Comments