Ikalawang araw ng canvassing ng boto sa presidente at bise presidente, umarangkada na

Pasado alas-9:00 ngayong umaga ay muling ipinagpatuloy ng National Board of Canvassers o NBOC-Congress ang canvassing o pagbibilang ng boto sa mga kandidato sa pangulo at ikalawang pangulo.

Sa pagsisimula ng canvassing, iginiit ni joint canvassing committee Chairman Migz Zubiri na hindi na sila magdedeklara ng quorum sa plenaryo dahil sinuspindi lang naman nila ang sesyon kagabi at diretso na sila agad sa canvassing.

Pero bago ito ay nagbigay muna ng opening remarks si Canvassing Committee Co-Chair Martin Romualdez kung saan sinabi nito ang pagkalugod ng kongreso sa ginawang manifestations kahapon ng mga legal counsels nila Vice President Leni Robredo, Manila Mayor Isko Moreno at Senator Kiko Pangilinan na hindi na kukwestyunin ang resulta ng bilangan ng boto para sa pinakamatataas na posisyon sa bansa.


Nagpapakita lamang ito ng mataas na kumpyansa ng mga nabanggit na opisyal sa electoral process at sa resulta ng 2022 national elections.

Sinabi pa nito na matagumpay na nakapag-canvass ang NBOC ng 105 sa 173 COCs o 60.69% ng mga balota bago sila nagsuspend kagabi.

Agad ding naresolba ang problema sa mga nawawalang COCs sa mga probinsya ng Sultan Kudarat, Surigao del Sur at Pampanga.

Pinasalamatan din ni Romualdez ang senate at house secretariat, mga myembro ng kongreso at mga staff sa pagtatyaga na mabantayan at matiyak ang malinis at maayos na canvassing ng NBOC.

As of 10:15 ng umaga, 66.47% o 115 sa 173 COCs na ang naka-canvass.

Inaasahang mamayang gabi ay ganap nang maipoproklama sina presumptive President Bongbong Marcos at presumptive Vice President Sarah Duterte.

Facebook Comments