Pinangunahan ni Manila City Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso ang ikalawang COVID-19 mass vaccination simulation exercise na isinagawa sa Isabelo delos Reyes Elementary School sa Maynila.
Ito ay bilang paghahanda sa pagdating ng mga bakuna kontra COVID-19 na nakatakdang aprubahan ng pamahalaan.
Kabilang sa lumahok sa demonstrasyon ng vaccination process ang 1,000 community-based target individuals gayundin ang Manila Health Department medical personnel at barangay health care workers.
Sa nasabing exercise, sinusuri muna ang vital signs ng pasyente, sumunod ay ang screening at verification.
Pagkatapos nito ay ang vaccination proper at pagkatapos mabakunahan ng pasyente, siya ay ilalagay muna sa holding area para obserbahan ang reaksyon ng bakuna.
Ayon kay Moreno, magpapatuloy ang pagsasagawa nila ng simulation exercise para magkaroon ng muscle memory ang lahat at mapadali ang pagpapabakuna sa sandaling maging available na ito sa bansa.
Ang unang simulation activity ng Manila LGU ay isinagawa sa Universidad de Manila (UdM) noong January 19.