
Cauayan City – Inalala ng mga Ilagueños ang ika-162 anibersaryo ng kapanganakan ni Gat Andres Bonifacio sa isang pagdiriwang na tumuon sa tatlong haligi ng kanyang ala-ala: ang Tapang, Katapatan, at Pagkakaisa.
Binuksan ni Board Member Dr. Ejay Diaz sa isang talumpati ang pagdiriwang. Inalala ng opisyal ang pagtutulungan ng mga Katipunero at Katipunera noong panahon ng rebolusyon na isang simbolo ng sakripisyo at pagkakaisa para sa ating kalayaan.
Ipinunto ni Kinatawan Diaz ang patuloy na hamon sa bansa sa gitna ng mga krisis pampulitika. Tinanong rin ng opisyal sa mga dumalo kung nasusuklian ba ang sakripisyo ng mga bayani, lalo na’t may ilan pang nagsasabing mas mabuti raw sana kung nanatili tayong kolonya ng dayuhan.
Ipinagmalaki rin ng Ilagan City ang mga nakamit nitong pagbabago dahil sa pagkakaisa ng komunidad katulad ng mas mahusay na health at social services, maayos na imprastraktura, lumalakas na ekonomiya, at mas ligtas na kapaligiran.
Ayon sa pamunuan, malayo na ang narating ng lungsod, ngunit mas malayo pa ang mararating nito kung mananatiling magkakapit-bisig ang mga Ilagueño.
Sa pagtatapos, nangako ang lokal na pamahalaan na ipagpapatuloy ang pamumuno na tapat, makatarungan, at may paninindigan. Iginiit din na ang tunay na liderato ay responsibilidad ng bawat mamamayan.









