Nagpadala na ng surrender feelers sa pamahalaan ang ilang wanted na National Democratic Front o NDF consultants.
Ito ang inihayag ni 2nd Infantry Division Commander, Major General Rhoderick Parayno kahapon, matapos na maaresto ang NDF consultant na si Francisco Fernandez at dalawa pang NDF members kamakalawa sa Liliw, Laguna.
Ayon kay Parayno, 6 na sa 23 NDF consultants na may outstanding warrants of arrest ang naaresto na at kasalukuyang pinaghahanap ang 17 pa.
Pagbubunyag ni Parayno, si Fernandez at ang kanyang mga kasamahan ay matagal nang minamanmanan ng Armed Forces of the Philippines (AFP), matapos na matunton sa tulong ng mga sibilyan na ini-report ang kaduda-dudang aktibidad ng grupo sa kanilang komunidad.
Sinabi ni Parayno na kasalukuyang sinisiyasat ng military intelligence ang mga dokumentong nakumpiska sa grupo ni Fernandez para sa impormasyon tungkol sa posibleng kinaroroonan ng iba pang NDF consultants.
Ang mga NDF consultants ay ipinapaaresto muli ng pamahalaan para harapin ang kanilang mga nakabinbing kriminal na kaso, matapos na mapawalang-bisa ang ipinagkaloob sa kanilang safe-conduct pass sa pagtatapos ng usapang pangkapayapaan sa pagitan ng pamahalaan at CPP-NPA-NDF.