Ilang Ahente ng NBI, Nangha-harass umano ng mga Opisyal ng Barangay sa Isabela

Cauayan City, Isabela- Nanindigan si Cauayan City Mayor Bernard Faustino Dy na hindi n’ya hahayaang magpatuloy sa operasyon ang Small Town Lottery (STL) dahil sa kawalan ng kaukulang permit at dagdag pa rito ang patuloy na paglabag sa public health standard protocols at pagkondena sa iba’t ibang klase ng pangha-harass umano na kanilang naranasan sa harap ng kanilang paninindigan.

Kasama ang alkalde sa isinagawang joint hearing ng House committees of Games and Amusement and Good Government and Public Accountability on initial deliberation on HR No. 1472 (re: Propriety of the PCSO’s 2020 Revised STL Implementing Rules and Regulations).

Ayon kay Mayor Dy, bilang local chief executive ay mandato nila na tiyakin na ang lahat ng uri ng economic activities sa kanilang nasasakupan ay masigurong nasusunod ang ilang usaping legal gayundin ang pagsisiguro ng kaligtasan ng publiko sa pagpapatupad ng mga batas.


Kaugnay nito, dismayado rin si Dy sa ilang national government agents na kanyang inaasahang tutulong subalit ito rin ang gagawa umano ng pangha-harass.

Isiniwalat rin ng opisyal na noong nakaraang linggo, ilang miyembro ng National Bureau of Investigation (NBI) Isabela ang personal na tumungo sa Public Order and Safety Division Office at tahasang binalaan ang mga tauhan na itigil ang pagdakip sa mga tauhan sa pagpapatuloy ng unathorized STL operation sa lungsod.

Samantala, muling iginiit ni Isabela 6th District Rep. Faustino “Inno” Dy V na ang paggawad sa authorized agent corporations ay iligal.

Malinaw umano na hindi maaaring ibahagi ang prangkisa sa pamamagitan ng pakikipagtulungan, samahan sa Sahara Games and Amusement Philippines Corporation, pinaniniwalaang binigyan ng otorisasyong mag-operate sa lalawigan ng Isabela.

Ayon pa sa mambabatas, ang STL ay hindi lamang iligal kundi mapanganib rin sa kaligtasan at kalusugan ng mga kapwa n’ya Isabeleños kung saan nasa banta pa rin ng COVID-19.

Maliban pa dito, kinuwestyon naman ni Isabela 1st District Rep. Antonio ‘Tonypet’ Albano si PCSO General Manager Royina Garma hinggil naman sa pagbibigay ng prangkisa sa mga authorized agent corporations (AAC) kung maaari naman aniya na patakbuhin ng ahensya ang lahat ng uri ng laro.

Tahasan rin na sinabi ni Albano na may pangha-harass din umano na ginawa ang NBI sa bayan ng San Manuel kung saan pinipilit umano ng mga NBI Agent ang ilang opisyal ng barangay sa usapin ng STL operation upang makataya ang publiko gayundin sa bayan ng Tumauini.

Sinubukan ng iFM news team na hingan ng komento ang Provincial Director ng NBI subalit tumanggi muna itong magpahayag habang hindi pa natatapos ang pagdinig.

Facebook Comments