
Nag-anunsiyo na ang ilang airline sa Pilipinas ng kanselasyon ng kanilang mga flight patungong mga bansa sa Middle East hanggang Marso 5 dahil sa tumitinding kaguluhan sa rehiyon, kasunod ng girian ng Estados Unidos–Israel at Iran.
Ayon sa Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP), ang Cebu Pacific ay nagkansela na ng mga flight nito sa Dubai hanggang Marso 4, habang sa Riyadh ay hanggang Marso 5.
Samantala, ang Philippine Airlines (PAL) at Cebu Pacific ay nagpatupad na rin ng kanselasyon ng mga biyahe patungong Riyadh, Doha, at Dubai.
Kabilang din sa mga nakanselang biyahe ang flight mula Davao patungong Doha, Qatar.
Nag-anunsiyo rin ang Emirates ng kanselasyon ng mga flight nito papunta at pabalik ng Dubai; ang Etihad Airways naman ay nagkansela ng mga biyahe papunta at pabalik ng Abu Dhabi; at ang Kuwait Airways ay nagpatupad din ng kanselasyon ng mga flight papunta at pabalik ng Kuwait.
Sa ngayon, umabot na sa 42 ang kabuuang bilang ng nakanselang flight patungong Gitnang Silangan, habang tatlo naman ang na-divert.
Una nang sinabi ni CAAP Director General Raul del Rosario na patuloy ang kanilang monitoring sa sitwasyon sa Middle East at nakikipag-ugnayan na rin sa mga airline, airport authorities, at international aviation partners dahil sa tumitinding tensiyon sa Gitnang Silangan.










