Ilang araw bago ang May 9 elections, tambalang Bongbong Marcos at Sara Duterte, patuloy na nangunguna sa latest Pulse Asia Survey

Isang linggo bago ang May 9 national at local elections, nanatiling nangunguna ang tambalan nina dating Senador Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., at Davao City Mayor Sara Duterte, batay sa latest Pulse Asia Survey.

Sa isinagawang survey noong April 16 hanggang April 21, 2022, hindi nagbago ang rating ni Marcos na may 56% sa mga presidential candidate.

Pareho lang din ito ng nakuha niyang 56% noong March 17 hanggang March 21, 2022 survey.


Nanatili rin sa pangalawang pwesto si Vice President Leni Robredo na may 23%, pero bumaba ito ng 1% kumpara sa nakuha noong nakaraang survey.

Naungusan naman na ni Sen. Manny Pacquiao si Manila Mayor Isko Moreno sa pangatlong pwesto.

Mula kasi sa 6% ay umakyat na ngayon sa 7% ang rating ni Pacquiao habang mula naman 8% ay bumaba sa 4% ang rating ni Isko.

Hindi naman nagbago ang rating ni Senator Panfilo Lacson na may 2% at nasa panglimang pwesto.

Kapwa 1% ang nakuha nina presidential candidates Ernie Abella at Faisal Mangondato habang nasa 0.3% ang nakuha ni Leody de Duzman, at tig-0.1% sina Norberto Gonzales at Jose Montemayor Jr.

Samantala, nangunguna rin ang tandem ni BBM na si Mayor Sara Duterte sa vice presidential survey.

Nanguna si Duterte matapos na makakuha ng 55% na rating, sinundan ito ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III na may 18% habang pangatlo si Sen. Francis Pangilinan na may 16%.

Sinundan ito ni Dr. Willie Ong na may 3% at Manny Lopez na may 1%.

Ang latest Pulse Asia Survey ay isinagawa sa 2,400 respondents na lahat ay registered voters sa pamamagitan ng face-to-face interviews at may margin of error na ±2%.

Facebook Comments