Ilang bahagi ng bansa ang makararanas ng kalat-kalat na pag-ulan ngayong araw ng Linggo bunsod ng umiiral na hanging habagat at ang trough o extension ng low pressure area (LPA).
Habagat ang nakaapekto sa kanlurang bahagi ng Luzon at Visayas habang ang buntot ng LPA naman sa katimugang bahagi ng Mindanao.
Kaugnay nito, makararanas ng maulap ang kalangitan na sasamahan pa ng mga pag-ulan at thunderstorm ang Zambales, Bataan, Occidental Mindoro at Palawan.
Ganito rin ang iiral sa Davao Region at SOCCSKSARGEN.
Pinaalalahanan naman ng PAGASA ang mga residente na mag-ingat at maging alerto sa posibleng pagbaha at pagguho ng lupa lalo na kapag may kalakasan ang mga pag-ulan.
Samantala, huling namataan ang LPA sa layong 1,075 kilometers east southeast ng Mindanao at nananatili ito sa labas ng Philippine Area of Responsibility.
Ayon sa weather bureau, bagama’t posibleng pumasok sa PAR ngayong araw ay mababa naman ang tiyansa nito na maging bagyo.
Samantala, bahagya hanggang sa mas maulap na kalangitan na may isolated rain showers naman ang mararanasan sa Metro Manila at nalalabing bahagi ng bansa dahil sa localized thunderstorm.