MAG-INA, PATAY SA PAGSALPOK NG SASAKYAN SA ISANG TINDAHAN

39
Patay ang isang ina kasama ang anim na buwang sanggol matapos masalpok ng sasakyan habang nakaupo sa isang tindahan sa Tabuk City, Kalinga.

Nakilala ang mga biktima na sina Claire B. Daluping, 39-anyos at ang anak na 6 months old.

Bukod sa nasawing mag-ina, sugatan naman ang dalawang menor de edad na nasa edad 15 at 14 taong gulang na pawang mga residente ng Sitio Dananao, Barangay Lacnog, Tabuk City, Kalinga.

Habang ang suspek na drayber ng isang Mitsubishi Montero Sport na may plakang CAC 2356 ay nakilalang si Edwin Rielo Ortiz, 64 taong gulang, retiradong sundalo, at residente ng Magsaysay, Tabuk City, Kalinga.

Kasama nito ang pasahero na si Daisy Quezon, 49 taong gulang na residente naman ng Brgy. Ipil, Tabuk City, Kalinga.

Batay sa imbestigasyon ng PNP Tabuk City, binabaybay ng sasakyan ang kalsada patungong Brgy. Bulo, Tabuk City at nang mag-overtake ito sa sinusundang sasakyan ay nawalan umano ito ng kontrol hanggang sa tuluyang sumalpok sa isang tindahan kung saan nadamay sa insidente ang mag-ina na nakaupo sa harap ng beranda.



Naitakbo pa sa ospital ang mag-ina subalit idineklarang patay na ang mga ito.

Nasa maayos na kalagayan naman ang dalawang sugatang menor de edad.


Sa ngayon, nasa kustodiya ng Tabuk City Police Station ang drayber ng sasakyan at siya’y mahaharap sa kaukulang kaso.

Facebook Comments