Cauayan City, Isabela- Lubog pa rin sa baha ang ilang mga bayan sa Lalawigan ng Cagayan dahil sa ulang dala ng bagyong Quiel.
Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Retired Colonel Anatacio Macalan Jr, head ng Provincial Climate Change & Disaster Reduction Risk Management Office (PCCDRRMO), matinding tinamaan ng pagbaha ang bayan ng Abulug at tatlong barangay ng Ballesteros.
Kabilang rin sa lubog sa baha ang mga bayan ng Allacapan, Aparri, Claveria, Lasam, Sta Ana, Sanchez Mira, Sta Praxedes, Sta Teresita, Pamplona, ilang bahagi ng Lallo at mga coastal towns sa North East at North West ng Cagayan.
Dahil rin aniya ito sa tuloy-tuloy na pag-ulan sa Lalawigan ng Isabela, Quirino, Nueva Vizcaya, Mt Province, Apayao at Kalinga.
Nasa apat (4) na katao pa rin ang naitalang nasawi sa pananalasa ng bagyong Quiel habang nasa 5,618 pamilya ang inilikas o 23,781 na indibidwal sa 78 na evacuation centers sa Cagayan.
Sa ngayon ay patuloy pa rin ang relief operations ng pamahalaang panlalawigan ng Cagayan katuwang ang iba’t-ibang ahensya ng gobyerno at mga pribadong ahensya sa mga apektado ng pagbaha.
Samantala, nasa ilalim pa rin ng State of Calamity ang buong Lalawigan ng Cagayan bunsod ng malawakang pagbaha.