Ilang customer ng Maynilad sa Metro Manila at karatig probinsya, makakaranas ng daily water interruption sa pagpasok ng buwan ng Abril

Makakaranas ng daily water interruption tuwing off-peak hours ang ilang kustomer ng Maynilad sa pagpasok ng buwan ng Abril.

Sa anunsyo, ilang barangay sa Bulacan, Valenzuela, Parañaque, Pasay, Makati, Navotas, Manila, Quezon City, Malabon at Caloocan ang makakaranas ng mahina hanggang sa walang suplay ng tubig simula April 1 hanggang 15 tuwing 10pm hanggang 4am.

Gayundin ang ilang barangay sa Imus City sa Cavite kung saan epektibo naman ang water interruption simula April 2 hanggang 16 tuwing 10pm hanggang 4am.


Paliwanag ng Maynilad, bunsod ito ng pagtaas ng demand sa tubig dulot ng mainit na panahon dahilan para maubos kaagad ang tubig sa kanilang mga reservoir.

Makikita sa kanilang Facebook page ang buong listahan ng mga apektadong barangay sa mga naturang lungsod.

Dahil dito, patuloy ang paghikayat ng water concessionaire na maging masinop sa paggamit ng tubig ngayong panahon ng tag-init.

Facebook Comments