Cauayan City, Isabela- Nagpapatuloy pa rin ang ginagawang pagtuturo ng binuong Salaknib Basic Education Team ng 95th Infantry Battalion sa mga dating rebelde na nasa kanilang poder bilang paghahanda sa kanilang pagpasok sa Alternative Learning System (ALS) na nakatakdang mag-umpisa sa darating na Oktubre.
Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay 2nd Lt Trisha Pascua, Civil Military Operations Officer ng 95th IB, hindi aniya nila ramdam ang hirap at pagod sa ginagawang pagtuturo sa higit 30 na mga rebelde na nagbalik-loob sa gobyerno na ngayo’y pansamantalang naninirahan sa itinayong ‘Happy Ville’ o munting village ng kasundaluhan kasama ang kanilang pamilya.
Sinabi ni 2nd Lt Pascua, masarap sa kanilang pakiramdam na makatulong sa kapwa at matupad ang ilan sa kanilang mga pangarap na matutunan kung paano magbasa at magsulat gaya ng pinakabata nilang tinuturuan na nasa edad 16 taong gulang.
Nakakapanlumo aniya ang narating ng mga dating rebelde na nalinlang lamang ng mga NPA kaya’t nagsisilbi aniya ito na kanilang inspirasyon para maiangat ang kanilang kaalaman at mabigyan ng edukasyon sa tulong ng ALS program ng DepEd.
Ayon pa kay 2Lt Pascua, bahagi rin ng ALS program ng DepEd San Mariano sa kanilang blended learning system ang paggamit sa radio station ng FM Salaknib kung saan mayroong isang oras ang nakalaan para sa mga ALS students.