Cauayan City, Isabela- Tatalakayin ng magkabilang panig mula sa Bureau of Internal Revenue (BIR) at ilang empleyado ng ospital ng Provincial Government ng Nueva Vizcaya dahil sa ipapataw na multa ng ahensya sa lahat ng empleyado.
Ayon kay Governor Carlos Padilla, napag-aralan ng Provincial Accounting Office ang regulasyon sa pagkuha ng buwis sa mga empleyado na nasa limang (5%) porsyento lamang ang kanila talagang kinakaltas na withholding tax taliwas sa sinasabi ng ahensya na kailangan ay walong (8) porsyento.
Sa darating na Biyernes, pag-uusapan ang posibleng paraan kung paano maisasaayos ang nasabing usapin sa paniningil ng BIR ng walong porseyento sa bawat empleyado.
Dagdag pa ng gobernador, hindi maaaring akuin ng Provincial Government ang nasabing natitirang tatlong porsyento na buwis ng mga empleyado kaya’t hiniling nito kung maaari ay unti-unting singilin para hindi aniya mabigat para sa mga empleyado.
Isa rin sa natatanggap ng mga empleyado ng ospital ang hazard pay at payment ng mga pasyente na nakapailalim sa PhilHealth.
Kinumpirma din ng opisyal na may ilang doktor ang sumasahod ng P150-200 libo subalit depende ito sa volume o dami ng pasyente.
Una nang inilapit ng ilang empleyado ng ospital ang kanilang sitwasyon sa paniningil ng BIR dahil sa pag-aakalang limang porsyento (5%) lang ang naikakaltas sa kanilang buwis at hindi ang walong (8%) porsyento na sinasabi ng ahensya.