Monday, April 13, 2026

Ilang estudyante ng Mindanao State University, dismayado sa kasalukuyang presidente ng unibersidad

Nahaharap sa kontrobersya ang kasalukuyang presidente ng Mindanao State University (MSU) na si Atty. Paisalin “Popoy” Pangandaman Tago.

Ito’y matapos siyang batikusin ng mga alumni at mga estudyante ng unibersidad dahil sa kaniyang pamumuno.

Sa isang open letter, kinukuwestyon ng mga alumni ang hindi pagpayag umano ni Tago na ganapin ang kanilang reunion sa MSU Main Campus sa Marawi City kung saan nagulat sila dahil ngayon lamang ito nangyari lalo na’t kada tatlong taon ito ginagawa.

Bukod dito, dismayado rin ang MSU College of Medicine at College of Agriculture dahil pinagbawalan umano sila ni Tago na makilahok sa mga national convention dahil sa nararanasang krisis.

Nabatid na 17 medicine students ang hindi nakadalo sa convention habang 50 mga estudyante sa College of Agriculture matapos hindi umano bigyan ng authority to travel mula kay Tago, na isang kautusan mula sa Commission on Higher Education (CHED).

Matatandaang si Tago ang dating minister for transportation at parliament deputy speaker sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) at itinalaga ni Pangulong Bongbong Marcos Jr. noong May 2025 bilang presidente at chancellor ng MSU Main Campus sa Marawi City.

Nakuha niya ang posisyon dahil umano sa endorsement ng kaniyang pinsan na dating kalihim ng pangulo.

Facebook Comments