Manila, Philippines – Tumugma ang ilang resulta ng pagsusuri ng PNP Crime Laboratory at Public Attorney’s Office (PAO) tungkol sa kaso ni Carl Angelo Arnaiz.
Sa pagdinig ng Senado kahapon ayon kay Dr. Jocelyn Cruz Ng Northern Police District (NPD) – nagpositibo sa gunpowder nitrates si Angelo.
Nakitaan ng limang tama ng bala si Angelo kung saan posibleng nakatayo ang bumaril habang ang biktima ay nakahiga.
Ayon naman kay PAO Forensic Chief Dr. Erwin Erfe, nakaposas si Angelo nang barilin ng mga pulis-Caloocan.
Mariing itinanggi naman ng lola ni Angelo na si Norma magat na humawak ng baril ang kanyang apo.
Samantala, ipinag-utos na ni Justice Sec. Vitaliano Aguirre na imbestigahan ang pagkamatay ni Angelo at pinaghahanap na rin ang nawawalang 14-anyos na kasama ng binatilyo.