Ilang kamag-anak ng Maute group, kinumpirmang nasa Metro Manila na

Manila, Philippines – Sa pagdinig ng House Committee on Metro Manila Development, kinumpirma ni NCRPO Director Oscar Albayalde na nasa Maynila na ang ilang kamag-anak ng mga myembro ng Maute group.

Sa kabilang banda, sinabi ni Albayalde na bagamat mga kaanak ito ng Maute group ay hindi naman nila namomonitor na radikal ang mga ito.

Wala naman aniya silang nakukuhang impormasyon mula sa kanilang intelligence na may masamang balak ang mga ito.


Pero, tiniyak ni Albayalde na kasama pa rin ang mga kaanak ng Maute group sa binabantayan ng PNP sa gitna ng mataas na alerto sa kasalukuyan.

Ayon pa kay Albayalde, ang buong Metro Manila sa kasalukuyan ay nasa kategorya ng moderate level threat, mas mababa na ito kumpara sa high level threat noong nakaraang taon.

Nilinaw niyang walang direct threat sa Metro Manila ang mga terorista gaya ng maute group, abu sayyaf at bangsamoro islamic freedom fighters.

Pero naka full alert naman ang kanilang hanay, walang pwedeng mag leave sa trabaho at kailangang siyento por siyento ang kanilang attendance.

Ang briefing sa kamara ay kaugnay sa security threat at security measures na inilalatag sa Metro Manila kasabay ng mga pagatake sa Mindanao.
DZXL558

Facebook Comments