Cauayan City, Isabela- Nagkaisa ang kapulisan ng Isabela Police Provincial Office (IPPO) at 205th Maneuver Company na kabilang sa Cl’-39 ‘SARIKDA’ sa pagsasagawa ng BARANGAYanihan Caravan activity sa bayan ng Angadanan, Isabela.
Isinagawa ang BARANGAYanihan activity sa Brgy. Macalauat sa nasabing bayan noong Oktubre 29, 2021 bilang bahagi sa selebrasyon ng kanilang ika-3 anibersaryo sa serbisyo.
Ang nabanggit na aktibidad ay isinagawa rin ng iba pang Cl’ SARIKDA sa kanilang nasasakupan tulad sa Lalawigan ng Cagayan at Nueva Vizcaya.
Bahagi ng naturang aktibidad ang kanilang pagsasagawa ng feeding program, tree planting at pamamahagi ng mga assorted goods sa mga pamilyang higit na nangangailangan.
Nagsilbing inspirasyon at nag-udyok sa mga magkakaklase ang pamamahagi ng tulong sa mga taong lubos na nangangailangan ang sinapit ng kanilang classmate na si Patrolman Jay-ar Malana na naaksidente noong nakaraang taon ng Hunyo na kanila ring tinutulungan na makarekober sa ngayon.
Labis naman ang saya ng mga nagbigay tulong na mga pulis at sa matagumpay nilang aktibidad.
Nangako naman ang kapulisan ng IPPO na ipagpapatuloy pa nila ang nasabing aktibidad sa mga susunod pang anibersaryo.