Lubos na ikinadismaya ng ilang kongresista ang kabiguan pa rin hanggang ngayon na mapanagot ang mga nasa likod ng “vegetable smuggling” o iyong pagpupuslit ng mga imported na gulay sa bansa.
Sa pagdinig ng House Committee on Agriculture and Food, sinabi ni Benguet Caretaker at ACT-CIS Party-list Rep. Eric Go-Yap na napipilitan ang mga magsasaka sa Benguet na bagsak-presyong ibenta ang kanilang mga gulay para lang makabenta.
Bukod dito, may mga magsasaka sa lugar na itinatapon na lamang sa mga kalsada ang mga aning gulay tulad ng carrots dahil sa mas malulugi sila kapag ibabalik pa sa kanilang lugar ang mga produkto.
Giit ng kongresista, napakatagal nang problema ang smuggling ng imported na gulay at hanggang ngayon ay hindi pa rin ito nareresolba at wala pa ring napapanagot kaugnay sa talamak na pagpupuslit ng mga imported agricultural products.
Dahil dito, patuloy aniyang napaglalaruan ng mga smugglers ang mga lokal na magsasaka sa bansa.
Giit ng kongresista, ang smuggling ang pumapatay sa kabuhayan ng mga magsasaka hindi lamang sa Benguet kundi sa iba pang panig ng bansa.