Inihahanda na ng ilang mga kongresista ang mga susuotin na may kaakibat na simbolo na nais iparating kay Pangulong Rodrigo Duterte sa State of the Nation Address (SONA) nito sa Lunes.
Bagamat sa ikalawang pagkakataon ay wala ulit “fashion show” o pagrampa sa red carpet dahil sa COVID-19 pandemic, ilang mga progresibong kongresista naman ang inihanda pa rin ang simbolikong mga susuotin sa SONA.
Isa na rito si Bayan Muna Partylist Rep. Carlos Zarate na magsusuot ng “SONA Protest Barong” kung saan nakapinta ang likha ng artist na si Allyster Arroza.
Naka-highlight sa pinta ng barong ang pangangailangan ng mga Pilipino sa ayuda at bakuna ngayong pandemya.
Inilalarawan din dito ang umano’y militarismo at palpak na paghawak ng administrasyong Duterte sa health crisis.
Samantala, isa namang “protest sash” ang idadagdag ni Bayan Muna Partylist Rep. Eufemia Cullamat sa kanyang isusuot sa SONA na idinisenyo ng mga guro ng Lumad Bakwit School.
Ang sash ay gawa sa abaca bilang pag-alala sa mga biktima ng Lianga Massacre at panawagan na rin para itigil ang pagpatay sa mga katutubong lumalaban sa kanilang karapatan.
Ipapares ang sash sa itim na barong na sumisimbolo naman ng hustisya para sa mga biktima ng extrajudicial killings.