Nakukulangan ang ilang mga kongresista sa ginawang ulat sa bayan kahapon ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Pinuna nila Bayan Muna Rep. Carlos Zarate, Albay Rep. Edcel Lagman at Magdalo Partylist Rep. Manuel Cabochan ang hindi pagbanggit ng Pangulo sa mga plano nito laban sa COVID-19.
Ayon kay Zarate, ginawa na lamang ‘excuse’ ng Pangulo ang pag-atake nito sa mga kritiko at oligarchs dahil wala namang inilatag na kongkretong paraan upang epektibong tugunan ang Coronavirus Disease tulad sana ng libreng mass-testing, pro-active na contact-tracing, isolation at treatment.
Sinabi naman ni Lagman na ang tanging ‘roadmap’ para sa COVID-19 response na nabanggit ni Pangulo sa kanyang SONA ay ang mabilis na pagapruba sa Bayanihan to Recover as One Act o Bayanihan 2 na nasa ₱140 Billion hanggang ₱162 Billion lamang ang pondo.
Hindi man lamang aniya nabanggit ng Pangulo ang iba pang available funds para sa mas malaking stimulus package tulad sa grants at loans mula sa Asian Development Bank (ADB), World Bank, Asian Investment Infrastructure Bank (AIIB), domestic borrowings ng Retail Treasury Bonds (RTB), donasyon mula sa ibang mga bansa, budgetary assistance mula sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) at iba pang funding sources.
Napuna naman ni Cabochan na ang government approach ay nakadepende lamang sa pagkakaroon ng bakuna ngunit walang malinaw na recovery plan at timeline para sa medical response, kakulangan sa hospital at medical facilities at kalagayan ng health workers.
Iginiit pa ng mga mambabatas na pinipili lamang ni Presidente ang mga sinisitang oligarchs ngunit ang oligarchs na malalapit sa kanya ay patuloy naman nitong pinapaburan.