Ilang kongresista, umaalma na sa patuloy na pagdawit ng PACC sa mga miyembro ng Kamara na sangkot sa katiwalian; 12 kongresista, hiniling na pangalanan na

Pumalag ang ilang mga mambabatas sa Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) na maging patas naman sa Kamara patungkol sa mga umano’y kongresista na dawit sa korapsyon sa Department of Public Works and Highways (DPWH).

Giit dito ni Committee on Justice Vice Chairman at Ako Bicol Partylist Rep. Alfredo Garbin, dapat na pangalanan na ngayon ng PACC ang nasa labindalawang kongresista na sangkot sa katiwalian sa mga infrastructure projects ng DPWH at sampahan na ng kaso ang mga ito.

Mahirap aniya na puro tsismis at pasaring lang ang gagawin ng PACC na wala namang pinapangalanan at walang maiharap na ebidensya dahil lalo lamang nagdududa ang publiko sa integridad ng Mababang Kapulungan.


Hinamon naman ni Anakalusugan Partylist Rep. Mike Defensor si PACC Commissioner Greco Belgica na sampahan na ng kaso ang 12 kongresistang sabit sa anomalya at kung wala naman palang matibay na ebidensya ay manahimik na lamang muna ito.

Aniya, ito na ang ikalawang pagkakataon na may ibinatong alegasyon si Belgica laban sa mga kongresista pero tumatanggi namang pangalanan kung sino ang mga mambabatas na ito dahil wala pang matibay na pruweba para kasuhan ang mga ito.

Unfair aniya ito sa lahat ng kongresista dahil nababahiran na ang lahat ng mga myembro ng Kamara at buong institusyon sa kabila ng pagsusumikap nilang maitaas ang imahe ng Kongreso.

Hindi aniya trabaho ni Belgica na isalang sa “trial by publicity” ang mga mambabatas bagkus ay tungkulin nitong mangalap ng ebidensya at sampahan ng kaso sa Department of Justice (DOJ) o sa Office of the Ombudsman ang mga tiwaling opisyal ng pamahalaan.

Facebook Comments