Mariing tinututulan ng ilang kongresista ang “no vax, no ride” policy na ipapatupad ng Department of Transportation (DOTr) sa lahat ng public transportation.
Ayon kay Assistant Minority Leader at ACT Teachers Party list Rep. France Castro, ang nasabing polisiya ay katawa-tawa, labag sa Konstitusyon, anti-poor at discriminatory.
Malinaw aniya na ang public transport ay isang public utility na hindi dapat ipinagkakait sa kahit na sino.
Sa halip aniya na pagbawalan ang mga unvaccinated na sumakay sa mga public transport, bakit hindi umano bigyan ng DOTr ang mga ito ng libreng sakay sa mga vaccination sites, tulungan ang pamahalaan na bigyang-kaalaman ang mga tao sa benepisyo ng bakuna at bawasan ang vaccine hesitancy.
Wala aniyang pinagkaiba ito sa iligal na resolusyon ng Inter-Agency Task Force (IATF) na “no vax, no work” policy.
Dagdag pa ni Castro, nakasaad sa Section 12 ng RA 11525 o COVID-19 Vaccination Program Act, na ang mga vaccine cards ay hindi ikinukunsidera na dagdag na mandatory requirement para sa edukasyon, trabaho at iba pang kaparehong government transaction purposes.
Binigyang-diin pa ng kongresista na walang siyentipikong batayan ang nasabing polisiya na tanging mga unvaccinated lamang ang nakakapanghawa ng COVID-19.