
Ilang problema ang posibleng kaharapin sakaling tuluyang maipasa ang P200 dagdag sa minimum na sahod ng mga manggagawa.
Ito ang pangamba ng Department of Labor and Employment (DOLE) matapos pumasa kahapon sa ikatlo at huling pagbasa sa Kamara ang House Bill No. 11376, o ‘yung Wage Hike for Minimum Wage Workers Act.
Ayon kay Labor Secretary Bienvenido Laguesma, maaaring magkaroon ng mga isyu gaya ng hindi pagsunod sa labor standards at mas mataas na informality sa employment.
Inaasahan ding mababawasan ang pagiging epektibo ng collective bargaining bukod pa sa negatibong epekto nito sa paglago ng ekonomiya batay na rin sa macroeconomic analysis ng National Economic and Development Authority (NEDA).
Nauna nang sinabi ni Laguesma na posibleng maitaboy nito ang mga potensiyal na investors sakaling tuluyan itong maipatupad.









