Pinalawig pa ng Maynilad Water Services Inc. hanggang mamayang alas-10:00 ng gabi ang kanilang maintenance activity sa La Mesa Pumping Station.
Dahil dito, hindi muna maibabalik ang suplay ng tubig sa ilang lugar na apektado ng water interruption.
Kabilang dito ang ilang lugar sa Barangay 168, 170 hanggang 174 at 176 hanggang 178 sa Caloocan City at Barangay 172, Kaligayahan at Pasong Putik sa Quezon City.
Sinimulan ng Maynilad ang maintenance activity kahapon ng umaga at dapat naibalik na ang supply ng tubig kahapon ng hapon.
Simula kaninang alas-8:00 ng umaga, ipinatupad din ang water interruption sa ilang lugar sa Barangay Batasan Hills at Holy Spirit sa Quezon City dahil din sa facility maintenance activity sa North C Annex Pumping Station sa La mesa.
Tatagal ang water interruption sa mga nabanggit na lugar hanggang alas-6:00 ng gabi.
Pinaghahanda rin ng Maynilad ang mga customer nito sa Barangay Batasan Hills, Commonwealth at Payatas dahil mawawalan din sila ng supply ng tubig simula alas-11:00 ng gabi bukas hanggang alas-6:00 ng umaga kinabukasan, October 20.