*Cauayan City, Isabela- *Nakiisa ang tinatayang nasa humigit kumulang isang libong mag-aaral ng Isabela State University Cauayan Campus sa isinagawang Peace Forum na inorganisa at pinangunahan ng Tactical Operations Group 2 (TOG2) sa pamumuno ni LTC Randy Buena, Group Commander ng TOG 2, Philippine Air Force katuwang 5th Infantry Division, Philippine Army at ng PNP Cauayan City.
Sa pagtutok ng 98.5 iFM Cauayan sa naturang aktibidad, inihayag ni Brigader General Pablo Lorenzo, AFP Commander ng 5th ID, PA na sa loob ng 50 taong pakikibaka ng mga makakaliwang grupo ay walang naipakitang maganda sa lipunan kaya’t kanyang hinihikayat ang publiko na huwag sumapi sa NPA.
Layunin ng naturang aktibidad na mabigyan ng kaalaman at mapaalalahanan ang mga kabataan na pangunahing target ng NPA na huwag magpalinlang at maniwala sa mga sinasabi ng mga rebelde.
Kamakailan lamang ay kinumpirma ni BGen Lorenzo na may ilang estudyante sa Lambak ng Cagayan ang na-recruit ng NPA kung kaya’t isa itong hakbang ng pamahalaan upang mailayo ang mga kabataan sa panghihikayat ng makakaliwang grupo.
Ang nasabing aktibidad ay bilang pagsuporta sa kautusan ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte batay sa Executive Order no. 70 na naglalayong lutasin ang problema sa insurhensiya at wakasan ang armadong pakikibaka ng mga teroristang grupo upang magkaroon ng payapa at matiwasay na bansa.