Ilang Mag-aaral sa Elementarya sa Lungsod ng Ilagan, Nabigyan ng Regalo!

*Cauayan City, Isabela- *Bilang pasasalamat sa kanyang natatanggap na biyaya ay namahagi rin sa mga mahihirap at may kapansanang mag-aaral si Sangguniang Panlungsod Member Jayvee Diaz ng City of Ilagan bilang bahagi sa selebrasyon ng kanyang kaarawan.

Personal na iniabot ni SP Diaz sa 83 na mag-aaral ng Bagong Silang Elementary school ang isang pares ng tsinelas, bag, notebook, lapos, ballpen at ilang gamot.

Bukod dito, pinasaya rin ni SP member Diaz ang 50 na may kapansanan kung saan ay binigyan niya ang mga ito ng gamot, pagkain at wheelchair para sa mga nangangailangan nito.


Nagbigay rin ng tseke ang konsehal bilang pang-matrikula o para sa bayarin ng 83 na mag-aaral sa elementarya.

Ayon kay Jovy Arzaga, Teacher in Charge ay wala nang dapat ipangamba ang mga magulang ng mga bata dahil sinagot na lahat ng city government ang tuition fees, PTA fees at iba pang mga bayarin ng kanilang mga anak.

Sa ekskusibong panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay SP Member Diaz, ang kanyang libreng pamamahagi ng mga school supplies, gamot at tsinelas ay bilang pasasalamat nito sa lahat ng mga nagtitiwala sa kanya.

Facebook Comments