Ilang mambabatas, sasaklolo sa Korte Suprema para harangin ang death penalty bill

Ikakasa ng ilang miyembro ng minority group sa Kamara ang paghahain ng petisyon sa Korte Suprema para mapigilan ang pagsasabatas ng panukalang pagbabalik ng parusang kamatayan.

 

Giit ng ilang mambabatas mula sa Minorya ng Kamara, aminado silang Korte Suprema na lamang ang laban nila para mahadlangan nang tuluyan ang pagbabalik ng death penalty.

 

Sakaling maipasa na rin sa Senado ang death penalty bill ay mapipilitang umakyat sa Supreme Court ang mga anti-death penalty para harangin ang pagpapatupad nito.

 

Magiging pangunahing argumento sa ihahaing petisyon ang paglabag ng gobyerno sa second optional protocol, ang tratadong pinasok ng Pilipinas na nagbabawal sa pagbabalik ng parusang kamatayan sa bansa.

 

Sa kabilang banda, matapos na maaprubahan kagabi sa ikalawang pagbasa ang death penalty bill, sinabi naman ni House Majority Floor Leader Rodolfo Fariñas na sa Marso a syete na ang itinakdang araw para sa pagpapatibay sa panukala sa ikatlo at huling pagbasa.




Facebook Comments