Ilang mga eskwelahan ang pinag-aaralan ngayon na gawin bilang sites o lugar ng lokal na pamahalaan ng Maynila para sa isasagawang COVID-19 vaccination program.
Sa pahayag ni Manila Mayor Francisco “Isko” Moreno Domagoso, naghahanap na sila ng mas malaki at mas maluwag na mga lugar para sa gagawing pagbabakuna sa mga residente ng lungsod.
Aniya, ang mga eskwelahan ay kabilang sa kanilang opsyong lugar para sa mass vaccination.
Ayon pa sa alkalde, karamihan sa mga paaralan ay may mga quadrangle kung saan maaaring pumila o maghintay ang mga magbo-boluntaryong residente.
Nakasaad pa sa plano na sa mga classroom gagawin ang mismong proseso ng pagbakuna, at ang iba naman classroom ay magsisilbing holding area matapos mabakunahan dahil dito hihintayin kung makararanas ba sila ng adversed effects matapos na maturukan.
Sakaling matuloy ang plano sa mga paaralaan bilang vaccination sites, tiniyak ni Mayor Isko na ihahanda na rin ng Manila Local Government Unit (LGU) ang iba pa nilang pwersa at kagamitan.
Magde-deploy din ang lokal na pamahalaan ng mga tauhan at mga ambulansya ng Manila Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) para tumulong at matiyak ang maayos na mass vaccination.
Plano rin ng lokal na pamahalaan na magsasagawa ng mga simulation exercise bilang paghahanda sa kanilang COVID-19 vaccination program.