Ilang mga hotel sa Maynila, magsisilbing temporary house para sa frontliners sa gitna ng ipinapatupad na enhanced community quarantine dahil sa COVID-19

Maaari nang maging pansamantalang tirahan ng mga frontliners at healthcare workers ang ilang mga hotels sa Lungsod ng Maynila sa gitna ng “enhanced community quarantine” na ipinatupad sa buong Luzon.

Pinirmahan na ni Manila City Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso ang Executive Order no. 17 na naglalayong tulungan ang mga empleyadong nagtratrabaho sa lungsod na apektado ng pagsuspinde ng pampublikong transportasyon sa buong rehiyon.

Sa ilalim ng EO no. 17, maaaring mamalagi ang mga frontliners at healthcare workers na nagtratrabaho sa mga district at national government hospitals sa Maynila sa Hotel Sogo kung saan ipapagamit nito ang nasa 421 na, kwarto, 50 kwarto sa Eurotel at 60 naman sa Town and Country Hotel.


Bukod dito, nag-alok din ang Bayview Park Hotel ng 15 na kwarto para sa mga healthcare workers bilang tugon na din sa panawagan ng lokal na pamahalaan.

Libre ang pag-stay ng mga health workers sa mga nabanggit na mga hotel lalo na’t suspendido ang mass transport sa buong luzon.

Facebook Comments