Unti-unti nang nagtutungo sa Manila North Cemetery ang ilang indibidwal na nais bisitahin ang puntod ng mahal nila sa buhay para magbigay ng respeto sa pamamagitan ng pagdarasal at pagtitirik ng kandila.
Nabatid na hanggang October 28 na lamang bukas ang mga sementeryo sa lungsod ng Maynila kung saan isasara na ito ng limang araw mula October 29 hanggang November 2.
Pero paalala ng pamunuan ng Manila North Cemetery, may ilang patakaran silang ipinapatupad tulad na lamang ng pagbabawal ng kahit anumang uri ng sasakyan na makapasok sa loob.
Tanging ang karo lamang ang papahintulutan pumasok sa loob ng sementeryo para sa pagsasagawa ng libing pero lilimitahan lamang sa sampung katao ang maaaring makipaglibing.
Mahigpit ding ipatutupad ang health protocols tulad ng physical distancing, no face mask-no entry at kinakailangan magdala ng sariling alcohol o sanitizer.
Nananawagan din ang pamunuan ng Manila North na huwag nang magsama pa ng mga menor de edad at mga nakakatanda na nasa edad 65-anyos pataas sa pagtungo sa nasabing sementeryo.
Wala pa namang pagbabago sa presyo ng mga itinitindang bulaklak sa paligid ng Manila North Cemetery kung saan nasa P40 ang naka-plastic na boquet, P120 ang nasa styrocup habang P250 hanggang P700 ang nasa basket.
Kasabay ng pansamatalang pagsasara ng Manila North Cemetery sa undas, sarado rin ang kahit anumang tindahan na nasa paligid nito kung saan mahigpit naman na ipinapatupad ng Manila Police District (MPD) ang seguridad para mapanatili ang kaayusan at kapayapaan.
Facebook Comments