Cauayan City, Isabela- Nananatili pa rin sa evacuation center ang may 114 na pamilya dahil lubog pa sa tubig-baha ang kanilang mga kabahayan dahil sa walang tigil na pag-uulan nitong mga nagdaang araw.
Karamihan sa mga inilikas sa Lungsod ng Tuguegarao ay galing sa core shelter sa barangay Annafunan East na dati nang binabaha at isa sa mga malubhang nalubog sa baha dahil sa ulang dala ng nakalipas na bagyong Ulysses.
Sa kasalukuyan, pansamantala munang nanunuluyan sa Annafunan Integrated School na itinalagang evacuation center para sa mga pamilyang binaha sa nasabing lugar.
Ayon sa mga evacuee, marami silang natanggap na mga ayuda mula sa iba’t-ibang grupo noong sila’y binaha subalit nangangamba silang malubog din ito sa tubig-baha.
Kaugnay nito, tiniyak naman ng mga opisyal na nasusunod pa rin ang social distancing sa mga evacuation center.
Ayon kay Ms. Jonalyn Pena, ALS teacher, may distansya ang bawat pamilya sa loob ng isang classroom kung saan hanggang tatlong (3) pamilya lang ang pinapayagan sa isang room at ang mga ito ay dapat mga magkakamag-anak din.