Ilang OFW, ikinuwento ang karanasan sa nangyaring pagsabog sa Beirut, Lebanon

(Screenshot from AFP news agency Twitter video)

Isinalaysay ng ilang overseas Filipino workers ang nakakapangilabot nilang karanasan matapos masaksihan ang pagsabog sa isang port area sa Beirut, Lebanon nito lamang Martes ng madaling araw.

Sa report ng ABS-CBN News, ibinahagi ng 21-anyos na si Analiza Sebastian na noo’y hinihintay niya ang kanyang amo sa tinutuluyang gusali sa Ashrafieh nang marinig ang biglaang pagyanig.

Limang minuto lang daw ang layo ng kanilang building sa port area kung saan nagmula ang pagsabog.


Ani Sebastian, nagtalsikan daw lahat ng salamin ng bahay ng kanyang amo kasabay ng malakas na paggalaw ng kanilang gusali.

Sa panayam ng ABS-CBN aniya, “Sobrang takot po lahat lalo na ‘yung mga kababayan natin dito. Madami din po kasing Pinay dito sa building.”

Kwento naman ng domestic worker mula Quezon province na si Gheilai Zhasa Abejuela, lahat umano ng dingding na salamin sa bahay ng kanyang amo ay bumagsak.

Bagama’t wala namang nasaktan sa tinutuluyan nilang residential unit, puno raw ng takot ang lahat para sa kanilang kaligtasan.

Mahirap umanong ipaliwanag ang lakas ng pagsabog dahil biglaan ito at nakakatakot ang tunog.

Nasa ABC Mall naman noon si Mary Jane Muniño, 30, matapos magpadala ng pera sa kanyang pamilya nang yanigin ng tila lindol ang naturang gusali.

Puno raw ng alikabok at madilim ang buong paligid nang tingalain niya ang itaas ng mall habang kanya-kanyang nagtatakbuhan ang mga tao.

Saad ni Muniño, pilit niyang hinahanap ang daan palabas para umano masiguro ang kanyang kaligtasan.

Hindi na rin daw niya namalayan ang pagdurugo ng kanyang mga kamay at tuhod.

Samantala, ngayong araw lamang nang ireport ng Department of Foreign Affairs (DFA) na dalawang Pilipino ang nasawi habang anim naman ang naiulat na nasugatan.

Sa report naman ng Reuters, hindi bababa sa 78 katao ang namatay at halos 4,000 ang nagtamo ng pinsala sa nangyaring pagsabog sa port warehouses na naglalaman umano ng highly explosive materials.

Kaugnay nito, inihayag naman ng DFA na maaaring tumawag sa Philippine Embassy ang mga Pinoy na mangangailangan ng tulong: +961 3859430, +961 81334836, +961 71474416, +961 70681060 and +961 70858086.

Facebook Comments