Cauayan City, Isabela- Umabot na sa pitong (7) overflow bridges sa buong lambak ng Cagayan ang hindi na madaanan matapos tumaas ang lebel ng tubig sa Cagayan river.
Batay sa ipinalabas na abiso ng Office of the Civil Defense (OCD) region 2, sarado na para sa lahat ang Alicaocao overflow bridge sa Cauayan City, Baculod overflow bridge sa City of Ilagan, Sta. Maria-Cabagan overflow bridge, Cabagan-Sto. Tomas overflow bridge at Cabiseria 8 sa City of Ilagan dahil sa pagtaas ng lebel ng tubig.
Habang sa lalawigan ng Cagayan naman ay hindi na madaanan ang Bagunot overflow bridge sa bayan ng Baggao, Abusag Overflow Bridge at San Isidro-Taytay Overflow Bridge.
Pasado alas-singko ngayong hapon nasa kritikal na lebel na ang Buntun Bridge na umabot na sa 7.90 meters.
Nagpaalala naman ang OCD sa publiko na maging alerto partikular ang mga lugar na nakaranas ng pagbaha noong kasagsagan ng pag-uulan dala ng Bagyong Ulysses.
Sa ngayon ay nasa dalawang spillway gate ang nakabukas sa Magat Dam sa ginagawang pagpapalabas ng tubig upang mapanatili ang water level ng dam.