Ilang pasaway sa Pque, pinagbuhat, pinagbantay ng kabaong

Courtesy Barangay San Isidro Parañaque

Bilang parusa, pinagbubuhat ng kabaong at pinaglalamay sa Barangay San Isidro, Parañaque City ang mga nahuhuling lumalabag sa enhanced community quarantine.

Sa kuhang litrato ni Jigz Plaza, makikitang nakaupo ang mga curfew violator sa paligid ng ataul na ipinuwesto sa harap ng barangay hall.

Nakalagay sa walang laman na kabaong ang karatulang “Stay at home or stay inside” at isang blangkong photo frame na may nakasaad na “Insert picture here”.


Bago magbantay sa mistulang burol, iniikot muna sa main road ang kabaong habang buhat ng ilang mga pasaway.

Ayon kay Kapitan Noel Japlos, paraan nila ito para ipakita sa mga residente ang posibleng kahinatnan ng katigasan ng mga ulo nito.

Epektibo rin umano ang naturang pagdidisiplina dahil nababawasan ang sumusuway sa curfew.

Umakyat na sa 19 ang tinamaan ng COVID-19 sa lugar at dalawa naman ang nasawi, batay sa datos na inilabas ng City Health Office nitong Huwebes.

Facebook Comments