
Pansamantalang ni-relieve sa pwesto ang limang pulis ng Caloocan matapos ang nag-viral na video ng isinagawa nilang operasyon sa isang residential area.
Mismong ang Station Commander ng Camarin Police Station at apat na tauhan nito ang isinailalim sa administrative leave dahil sa ilang pagkakamali umano sa isinagawang search operation matapos ang shooting incident.
Partikular sa Avocado Street kanto ng Mangga Street sa Barangay 178 kung saan isang ginang ang biktima.
Depensa ni Police Lieutenant Russelle Fang, commander ng Camarin Police Substation, tumakbo ang suspek sa isang bahay kaya’t agad silang nagkasa ng hot pursuit operation.
Nagreklamo ang may-ari ng bahay kung saan nakuhanan at kumalat ang video ng operasyon nila sa social media.
Kaugnay nito, ipinag-utos na ni Caloocan City Police Chief Edcille Canlas ang masusing imbestigasyon upang malaman ang tunay na insidente at ang pananagutan ng kaniyang mga tauhan.