PALAYAN, NUEVA ECIJA – Sampung katao na umano’y sangkot sa ilegal na sugal ang inaresto ng pulisya sa Barangay Manacmac nitong Lunes ng gabi.
Sa isinagawang operasyon, huli pa sa aktong naglalaro ng tong-its ang mga suspek habang nakapatong sa lamesa ang mga pera.
Ayon sa otoridad, ipinansugal ng mga suspek ang natanggap nilang P3,000 cash assistance mula sa pamahalaang-siyudad.
Nakarating daw sa kanila ang impormasyon matapos magsumbong ng ilang residente tungkol sa nagaganap na sugal sa loob ng isang bahay sa naturang lugar.
Ang mga nadakip ay kinilalang sina Angelo Diongco, 39; Roldan Viado, 34; Daniel Onia, 27; Marilou Guerra, 56; Gregorio Guerra, 51; at Garry Gatbunton, 19.
Sa kulungan din ang bagsak nina Rogelio Gonzales, 66; Tessa Sanchez, 34; Theresa Onia, 52; at Marites Guerra, 59.
Dismayado naman si Mayor Adrianne Mae Cuevas nang malamang isinugal ng mga indibidwal ang perang ibinigay ng lokal na gobyerno na aniya makakatulong sana sa apektadong komunidad.
Bukod sa pagsuway sa regulasyon ng enhanced community quarantine, mahaharap din ang mga salarin sa reklamong illegal gambling at paglabag sa Republic Act 11332 o Mandatory Reporting of Notifiable Diseases and Health Events of Public Health Concern Act.