Iginiit ngayon ng ilang samahan ng mga healthcare workers at health advocates na humingi ng paumanhin si Presidential Spokesperson Harry Roque dahil sa mga binitawang salita nito laban sa kanila.
Sa isinagawang online press conference ng Coalition for People’s Right to Health (CLRH), sinabi ni Dra. Eleonor Lara ng Shape Up Defeat COVID-19 na kinakailangan humingi ng paumanhin ni Sec. Roque dahil binastos nito ang mga healthcare workers.
Aniya, ang mga nasabing healthcare workers na binastos ng kalihim ay ang mga patuloy sa kanilang trabaho sa kabila ng panganib na dulot ng COVID-19 kasabay ng pagliligtas ng buhay ng mga pasyenteng tinamaan ng sakit.
Dagdag pa ni Dra. Lara, tila sumusobra na si Sec. Roque sa mga binibitawang pahayag nito laban sa mga healthcare workers na ang hangarin lamang ay matulungan ang taumbayan na nangangailangan.
Panawagan naman ni Alliance of Health Workers (AHW) National President Robert Mendoza na magbitiw na sa kaniyang pwesto si Roque dahil sa panlalait nito sa mga doktor.
Ayon kay Mendoza, nagbibigay lang ng suhestyon ang mga doktor para na rin ito sa kapakanan ng bansa sa gita ng pandemya.
Bukod sa Shape Up Defeat COVID-19, CPRH at AHW, kasama rin sa nasabing presscon ang Philippine Medical Students Association (PMSA), Filipino Nurses United (FNU) at Health Alliance for Democracy (HEAD) kung saan hanggang ngayon ay hinihintay pa rin nila ang mga ipinangakong allowances na hindi pa naibibigay ng gobyerno.