Thursday, November 12, 2026

Ilang samahan, tinutulan ang posibleng pagbebenta ng Bataan Nuclear Power Plant

Inihayag ng grupo at organisasyon sa isang press conference sa Quezon City ngayong Huwebes ng umaga, November 12 ang kanilang pagtutol sa umano’y posibleng pagbebenta ng Bataan Nuclear Power Plant (BNPP) sa mga pribadong investors.

Kinukwestiyon kasi ng mga grupo, na pinangunahan ng Nuclear Free Bataan Movement, KILUSAN, at NFBM Network, ang umano’y posibleng pagpapautang ng United States ng 5 billion dollars para sa mga private nuclear projects, maging ang hindi pa naipa-publish na pag-aaral ng South Korea kaugnay ng posibleng pagpapagana ng BNPP.

Dahil dito, inilunsad ng mga grupo ang kampanyang “Philippine Energy Road Map: A Nuclear-Free Philippines” para isulong ang iba pang opsiyon sa enerhiya na nakabatay sa malinis na pinagkukunan ng kuryente.

Panawagan ng mga grupo, igalang ang Non-Nuclear Zone Ordinance ng Morong, Bataan na ipinasa noong June 2026, huwag munang ibenta ang BNPP hangga’t wala pang inilalabas na pag-aaral, komunsulta sa mga komunidad na posible nitong maapektuhan, at bigyang-prayoridad ang renewable energy.

Samantala, magkakasa naman ang mga grupo ng People’s Consultation on the Nuclear Roadmap sa November 19 para pag-usapan naman ang pagsusulong ng isang nuclear-free na bansa.

Facebook Comments