
Hinihimok ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) at National Council on Disability Affairs ang lahat ng person with disabilities (PWD) ID holders na magparehistro muli sa bagong Unified PWD ID System, valid man o expired ang kanilang kasalukuyang ID.
Layunin nitong magkaroon ng iisang database ng mga PWD sa buong bansa upang maiwasan ang paggamit ng pekeng ID at matiyak na napupunta sa mga kwalipikado ang mga benepisyo at diskwento.
Maaaring magparehistro sa lokal na Persons with Disability Affairs Office (PDAO) o sa City o Municipal Social Welfare and Development Office.
Kailangan naman ng Certificate of Disability ang mga bagong aplikanteng may non-apparent disability na wala pang rekord sa PWD registry.
Magkakaroon ng QR code ang bagong ID para sa beripikasyon, habang lifetime ang bisa nito para sa mga may permanent disability at limang taon naman para sa mga may non-apparent disability, na sasailalim sa revalidation.
Magkakaroon din ng mobile registration para sa mga hindi kayang magtungo sa registration centers.










