Tuesday, March 10, 2026

Ilang senador, inihain sa Senado ang panukalang bigyan ang pangulo na suspindihin o tapyasan ang buwis sa produktong petrolyo

Naghain sa Senado ang dalawang senador ng panukalang batas na layong bigyan ng kapangyarihan ang Pangulo na suspindihin o tapyasan ang buwis sa mga produktong petrolyo sa bansa.

Sa mga nakalipas na araw ay umaaray na ang mga motorista sa biglang pagtaas ng presyo ng mga langis at petroleum products bunsod ng gyera sa Middle East.

Inihain ni Senator Loren Legarda ang Senate Bill 1942 habang inihain naman ni Senator Chiz Escudero ang Senate Bill No. 1938 na parehong isinusulong ang pagbibigay kapangyarihan sa Pangulo na suspindihin o bawasan ang parehong excise tax at value-added tax (VAT) sa produktong petrolyo.

Sa panukala ni Legarda, irerekomenda ng Development Budget Coordination Committee (DBCC) at Department of Energy (DOE) ang pagbibigay ng naturang kapangyarihan sa Presidente at maaaring tumagal ng 90 araw o higit pa ang suspensyon o pagbawas sa mga produktong petrolyo depende sa kasalukuyang sitwasyon.

Sa ilalim ng panukala naman ni Escudero, maaaring tapyasan ng Pangulo hanggang 50 percent ang buwis sa langis at mga produktong petrolyo kapag umabot sa $80 per barrel ang presyo ng Dubai crude oil.

Mayroong flexibility clause ang panukala ni Escudero kung saan pinapayagan ang Pangulo na magpatupad ng tax cuts sa langis bago pa man umabot sa price threshold partikular na kapag mayroong matinding supply disruptions, geopolitical crises o force majeure at kailangang sertipikahan muna ito ng Energy Secretary.

Samantala, nauna namang tiniyak ni Senate President Tito Sotto III na ipaprayoridad at agad na didinggin ng Senado ang naturang proposal para maibsan ang epekto sa bansa ng lubhang pagtaas sa presyo ng langis.

Facebook Comments