Ilang senador, nagpaliwanag sa biglang pag-alis at pagboto ng ‘abstain’ sa Maharlika Investment Fund Bill

Naghayag ng kanya-kanyang dahilan ang ilang mga senador kung bakit biglang umalis sila at kung bakit nag-abstain sa boto sa Maharlika Investment Fund (MIF) Bill.

Nauna nang sinabi ni Senate Minority Leader Koko Pimentel na sumakit ang ulo niya nang gabi ng ‘period of amendments’ kaya naman nagpaalam na siya at pinaubaya kay Senator Risa Hontiveros ang pagbabantay.

Bukod dito, inisip din niya na naihatid na niya ang kanyang kontra mensahe kung bakit hindi nararapat na maipasa ang Sovereign Wealth Fund.


Samantala, hindi naman akalain ni Senator Chiz Escudero na gagawin din noong madaling araw ng Miyerkules ang botohan sa MIF Bill dahil inaasahang sa huling gabi bago ang sine die adjournment pa gagawin ang botohan.

Magkagayunman, wala naman aniyang pinag-iba ang magiging resulta ng boto kung no, abstain o absent siya sa botohan.

Si Senator Nancy Binay naman na nag-abstain sa MIF ay nagpaliwanag na hindi siya ganap na makatutol o bumoto ng ‘no’ sa panukala dahil nauunawaan niyang kailangang gumawa ng hakbang para mapasigla ang ekonomiya ng pilipinas, makalikha ng income sources para sa pangmatagalang pag-unlad ng ekonomiya at makagawa ng trabaho para sa mga Pilipino.

Sa kabilang banda ay naniniwala siyang marami pang katanungan ang kailangang masagot at wala ring sapat na rason para bumotong pabor sa Maharlika fund dahil sa kakulangan nito ng balanse.

Facebook Comments