Tumanggi ang ilang mga senador na magbigay ng komento patungkol sa inihaing impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte sa Kamara.
Kaninang hapon ay nagtungo sa Batasan Complex ang iba’t ibang civil society organizations, religious leaders, sectoral representatives at pamilya ng mga biktima ng tokhang para ihain ang reklamo ng pagpapatalsik laban sa bise presidente.
Subalit “no comment” naman ang ilang senador sa development na ito.
Isa na riyan si Senate Minority Leader Koko Pimentel na ayaw magkomento hinggil sa impeachment complaint na inihain laban kay Duterte dahil silang lahat na mga senador ay tatayo bilang judge o hukom oras na iakyat ng Kamara sa Senado ang nasabing reklamo.
Nauna namang sinabi ni Senate President pro-tempore Jinggoy Estrada na hindi pinaguusapan ng mga senador ang tungkol sa impeachment complaint laban kay VP Duterte at saka lamang sila makikialam dito kapag isinumite na sa Senado ang reklamo.