
Bukas ang ilang mga senador sa pagbuhay ng joint oil exploration ng Pilipinas at China sa West Philippine Sea para sa posibleng mapagkunan ng energy supply ng bansa sa gitna pa rin ng patuloy na oil price hike.
Ayon kay Senate President Tito Sotto III, panahon pa ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ay isinusulong na nila ang Philippine-China oil and gas exploration at sinang-ayunan naman ito ng dating administrasyon, subalit hindi na ito umusad pa.
Umaasa si Sotto na sa ilalim ng Marcos administration ay matuloy ang oil exploration ng dalawang bansa na inaasahang makakatulong sa suplay ng langis, lalo ngayon na patuloy pa rin ang tensyon sa Middle East.
Hihiling aniya siya ng pulong patungkol dito para mapag-usapan ang posibleng pagtuloy sa nasabing hakbang.
Samantala, suportado rin ni Senator Sherwin Gatchalian ang joint oil exploration, pero dapat matiyak na susunod sa batas ng Pilipinas ang China at isaalang-alang dito ang soberanya at karapatan ng bansa.










