Ilang senador, umaasa sa positive development ng panawagan ni PBBM na reconciliation sa mga Duterte

Umaasa ang ilang mga senador na magkakaroon pa rin ng positive development sa pagitan ni Pangulong Bongbong Marcos at ng kampo ni Vice President Sara Duterte.

Kasunod na rin ito ng kahandaan ni PBBM na makipagkasundo sa mga Duterte at paghimok na isantabi na ang politika sa bansa.

Ayon kay Senator JV Ejercito, mukhang malalim na ang alitan at hidwaan sa pagitan ng mga Duterte at Marcos at mistulang mahirap at malabong magkasundo ang mga ito.

Gayunman, dalangin at hangad nilang mga mambabatas na magkaroon ng positibong resulta ang pagnanais ng Pangulo na magkaayos lalo’t mas kailangan na ngayon ng bayan ang gobyernong nagkakaisa at nagtutulungan para tugunan ang mga problema.

Samantala, sinabi naman ni Senate Minority leader Koko Pimentel na bilang ama ng bansa, maganda ang ipinakitang ugali ng Pangulo subalit hindi na kontrolado ng Presidente kung magbabago o susundin ang ipinamalas na asal ng Presidente.

Gayunman, sa usapin ng impeachment case kay Vice President Sara Duterte, bagama’t nakikipagkasundo ang Pangulo, mayroong rule of law at prosesong dapat sundin.

Facebook Comments