Ilang simbahan sa Maynila, nagtayo na rin ng community pantry

Ilang mga simbahan sa lungsod ng Maynila ang nagtayo na rin ng community pantry sa gitna ng nararanasang COVID-19 pandemic.

Ilan sa mga ito ay ang San Vicente de Paul Parish sa Paco, Nuestra Señora dela Soledad de Manila Parish sa San Nicolas, Archdiocesan Shrine of Nuestra Señora de Guia sa Ermita, Manila Cathedral at Most Holy Trinity Parish Food Bank sa Sampaloc, na tinatawag nilang “Pantry of Blessings.”

Dito ay ipinamamahagi nila ang iba’t ibang pagkain tulad ng gulay, delata, noodles, bigas, kape, tinapay habang ang ilan sa kanila ay nagbibigay rin ng face mask.


Bukas ang mga nasabing community pantry mula alas-9:00 ng umaga hanggang alas-6:00 ng gabi hangga’t may natitirang suplay.

Mahigpit naman ipinagbinilin sa mga pumipila na kumuha lamang ng naaayos sa pangangailangan at magtira para sa iba.

Matatandaan na nauna nang hinimok ni Bishop Broderick Pabillo ang mga simbahan gayundin ang mga parokya sa Maynila at mga nasasakop ng Archdiocese of Manila na magkaroon ng community pantries para makatulong sa mga nagugutom at hirap sa buhay.

Aniya, isa raw itong magandang uri ng hawaan ng bayanihan sa ating mga Pilipino habang kasalukuyang nahaharap sa krisis bunsod ng pandemya.

Facebook Comments