
Nananawagan ngayon ang ilang tsuper ng jeep dito sa Pasay City sa pamahalaan na ituloy-tuloy na ang oil price rollback.
Kasunod ito ng anunsiyo ni Pangulong Marcos na mahigit ₱20 na rollback sa presyo ng diesel bukas.
Ayon sa mga tsuper ng jeep, maliit lamang ang epekto ng ₱20 na oil price rollback kumpara sa mahigit ₱90 na price hike sa loob lamang ng isang buwan simula nang magkaroon ng giyera sa Middle East.
Ayon kay Leo Busalad, dapat ay mas mababa sa ₱100 ang kada litro ng diesel para hindi na sila lugi sa mahigit 12 oras na pamamasada.
Hirit naman ni Joseph Clares, dapat ay may malakihang oil price rollback muli sa susunod na linggo kahit magpatuloy pa ang giyera sa Gitnang Silangan.
Sa pagtaya naman ni Mang Rodel de Jesus, sa ₱20 na pagbaba ng presyo ng petrolyo, nasa ₱400 lamang ang kanilang maiuuwi araw-araw.
Hirit din niya ang mas mataas na oil price rollback sa mga susunod na linggo.
Sa inanunsiyo ni Pangulong Marcos na oil price rollback, aabot sa ₱20.89 ang bawas-presyo sa kada litro ng diesel bukas, ₱4.43 sa kada litro ng gasolina, at ₱8.50 sa kada litro ng kerosene.










