Iniulat ng Philippine National Police (PNP) na nakapagtala sila ng insidente ng pangha-harass mula sa mga raliyistang tsuper laban sa mga PUV driver na mas piniling mamasada ngayong araw sa halip na makiisa sa transport strike.
Ayon kay PNP PIO Chief PCol. Jean Fajardo, batay sa naging monitoring ng pulisya may ilang mga nakilahok sa tigil-pasada ang nang-harass sa mga tsuper na hindi nakiisa sa kilos-protesta sa pamamagitan ng panghaharang at pagsaboy ng pako sa mga kalsada habang ang ilan ay tinakot pa ang kanilang kasamahan.
Ani Fajardo, sa ngayon, kumakalap na sila ng mga pahayag mula sa mga biktimang tsuper para sa pagsasampa ng kaukulang kaso.
Babala nito, maaaring maharap sa mga kasong grave coercion, threat at damage to property ang mga indibidwal na mapapatunayang sangkot sa nasabing pangha-harass sa mga pumapasadang jeepney drivers.
Samantala, sa kabila nito sinabi ni Fajardo na mapayapa sa pangkalahatan ang ikinasang transport strike ng ilang grupo sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Una nang inanunsyo ng grupong PISTON at MANIBELA na tatagal pa hanggang sa darating na Mayo a-uno ang ikinakasa nilang protesta bilang pagtutol sa naka ambang franchise consolidation deadline bukas, April 30 sa ilalim ng Public Utility Vehicle Modernization Program ng pamahalaan.