Inanunsyo ng Philippine Red Cross (PRC) na kabilang sa listahan ng mga gagawing isolation facilities ang mga eskwelahan ng Ateneo de Manila University (ADMU), University of the Philippines (UP), at De La Salle University (DLSU).
Ayon kay PRC Chairman at CEO Sen. Richard Gordon, ginagawa nang isolation units ang nasa 32 classroom sa ADMU kung saan nagsagawa rin ng fundraising si Ateneo President Fr. Bobby Yap mula sa mga alumni bilang suporta sa pasilidad.
Habang ang 96 na dormitoryo naman sa UP sa Kamias Residence Hall ang inalok ng pamunuan ng nasabing unibersidad.
Paliwanag ni Gordon, layon nitong ihiwalay agad ang mga indibidwal na asymptomatic o positibo sa COVID-19 pero walang sintomas na maaaring magpakalat ng virus sa kanilang bahay.
Tiniyak din nito na ang bawat pasilidad ay magkakaroon ng kama, banyo at rasyon ng pagkain.
Maliban dito, inaayos din ng PRC ang patient monitoring sa pamamagitan ng telemedicine sa tulong ng Philippine Medical Association at Philippine Nurses Association Inc., para sa agarang ambulance service sa pinakamalapit na ospital sa oras ng emergency.
Sa ngayon, patuloy pa rin silang kumakatok sa ilang unibersidad at organisasyon sa Metro Manila para sa karagdagang tulong sa mga Local Government Units (LGUs).